MANILA, Philippines — Kaagad nang sisimulan ng Pasig City government ang pagsasaayos sa may 70 metrong bitak na lumitaw sa isang kalsada sa Brgy. San Antonio, Pasig City kamakalawa, na sinasabing dulot umano nang pagkasira ng isang lumang drainage system doon.
Ayon kay Pasig City engineer Alfredo Garin, lumitaw sa kanilang isinagawang pag-iinspeksiyon na nasira ang isang lumang drainage system sa lugar kaya’t lumambot ang lupa.
Nagresulta ito sa pagbitak ng kalsada sa Topaz St., sa Ortigas Center, na napapalibutan ng apat na high-rise buildings, na kinabibilangan ng East of Galleria, Cyberscape Beta, Cyberscape Gamma, at Glas Tower.
“Hindi na akma doon po sa discharge ng accommodation ng bawat building na ito. ‘Yung status ng soil, adobe ito, kaya lang dahil sa outburst ng drainage line o ng water line kaya nagkaroon ng scouring. Napunta ngayon doon sa malalim na hinuhukay noong ibang lupa,” paliwanag pa ni Garin.
Nilinaw rin naman ng mga city engineers na walang kinalaman ang nagaganap na construction activities sa tapat ng kalsada sa pangyayari.
Nabatid na nitong Lunes naman ng gabi ay magdamagang nagtrabaho ang contractor ng Manila Water para maglatag ng lifesaver pipelines sa gilid ng kalsada, na magiging daluyan ng tubig para sa apat na condominium buildings sa paligid ng sirang bahagi ng Topaz Road habang ginagawa ang kalsada.
Dalawang oras pinutol ang pangunahing linya ng tubig mula alas-10:00 ng gabi para mailipat ito sa isa pang temporary waterline.
Ginawa na rin anila ito para tuluyang maisara ang daluyan ng tubig sa ilalim ng kalsada na tinitingnan kung nagkatagas.
Matatandaang lumitaw ang malalim at mahabang bitak sa Topaz St. matapos ang matagal at malakas na pag-ulan noong Lunes ng hapon.
Una naman nang pinabulaanan ni Phivolcs Director Renato Solidum na ang crack ay dulot ng faultline dahil wala aniyang fault doon habang sinabi naman ng PAGASA na hindi maaaring kinidlatan ang kalsada dahil mas unang matatamaan ng kidlat ang mga matataas na gusali sa lugar.