MANILA, Philippines — Ibinasura ng Makati City Prosecutor’s Office ang kasong rape with homicide na isinampa ng Makati City Police laban sa 11 indibiduwal kaugnay sa pagkasawi ng flight attendant na si Christine Dacera sa loob isang hotel sa lungsod noong nakaraang Enero 1.
Sa resolusyon ni City Prosecutor Joan Bolina-Santillan, ibinasura niya ang kaso dahil sa kakulangan sa “probable cause” lalo na nang hindi mapatunayan na nagkaroon ng krimen sa insidente.
Matatandaan na nag-book sina Dacera at mga kasamahan sa dalawang kuwarto sa City Garden Hotel na ginamit nilang party place sa pagsalubong sa Bagong Taon. Madaling araw ng Enero 1 nang makitang walang malay si Dacera sa banyo ng isa sa kuwarto dahilan para isugod siya sa pagamutan.
Sa medico-legal report ng PNP, nasawi si Dacera dahil sa “ruptured aortic aneurysm” dahilan para sabihin na walang krimen na nangyari. Hindi naman ito tinanggap ng pamilya ni Dacera.
Plano naman ng kampo ng mga akusado na magsampa ng counter-charge laban sa mga nag-akusa sa kanila kabilang ang perjury, malicious prosecution, libel at iba pa.