Multi-cab sumalpok sa poste: Ginang todas

MANILA, Philippines — Patay ang isang 45 anyos na ginang habang malubha ang driver makaraang aksidenteng sumalpok sa isang konkretong poste ang sinasakyan ng mga itong multi-cab sa lungsod ng Caloocan nitong Sabado ng madaling araw.

Ang ginang na kinilalang si Margie Guardo, residente ng #3 Dhaka Street, Vista Verde, Brgy. 167 ng lungsod ay idineklarang patay na ng mga nagrespondeng medical personnel ng Caloocan North Disaster Risk Reduction Ma­nagement Office (DRRMO).

Isinugod naman sa Caloocan City Medical Center si Elbert Candar, 26, driver ng Suzuki carry cab (NGJ-4926) na nagtamo ng sugat sa ulo at katawan.

Sa imbestigasyon ni North Caloocan Police Traffic Investigator P/Cpl. Dennis Michael Natividad, dakong 12:05 ng madaling araw habang mabilis na binabagtas ng mga biktima ang kahabaan ng Gen. Luis Road patungong Caybiga nang mawalan ng kontrol sa manibela si Candar.

Dahil dito, pagsapit sa kanto ng Master Road sa Brgy. 165 ay bumangga ito sa isang konkretong poste sa tabi ng kalsada.

Sa lakas ng  pagkakabangga, nagpaikot-ikot ng ilang metro ang sasakyan hanggang sa mapunta sa kabilang linya.

Nahaharap naman ang driver sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injury at damage to property.

Show comments