Pagsasara ng Skyway Stage 3 project, hindi tuloy
MANILA, Philippines — Hindi natuloy ang indifinite closure sana ng Skyway Stage 3 project, kamakalawa ng hapon.
Mismong si San Miguel Corp. (SMC) president Ramon Ang ang nagkumpirma ng magandang balita sa publiko.
“Yes. No closure,” ayon kay Ang, nang matanong hinggil sa isyu.
Nauna rito, kamakalawa ng gabi ay inianunsiyo ng SMC na isasara nila ang Skyway Stage 3 sa mga motorista simula alas-5:00 ng Martes ng hapon.
Kasunod anila ito ng kautusan ng Toll Regulatory Board (TRB) na isailalim sa indefinite closure ang naturang elevated highway hanggang sa hindi pa nakukumpleto ang mga rampa nito.
Gayunman, mariing pinabulaanan ito ng TRB at sinabing wala silang inisyung desisyon o kautusan hinggil sa pagsasara ng Skyway Stage 3.
“This is to inform the public that the Toll Regulatory Board (TRB) DID NOT ISSUE a decision or directive ordering the indefinite closure of the Skyway Stage 3 starting 5 p.m. of 16 March 2021,” pahayag ng TRB.
Matatandaang Enero 14, 2021 pa simulang ipagamit sa mga motorista ang 18-km elevated highway.
Anang SMC, libre nila itong ipapagamit sa mga motorista sa loob ng isang buwan.
Gayunman, hanggang ngayon ay libre pa ring nagagamit ng mga motorista ang naturang highway dahil wala pang inaaprubahang toll rates para rito ang TRB.
Ang Skyway Stage 3 ang siyang nagkokonekta sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway.
- Latest