4 sugatan sa sunog sa Navotas

MANILA, Philippines —Apat katao ang nasugatan sa naganap na sunog na tumupok sa 4 storey na gusali sa Brgy. Tangos South, Navotas City nitong Sabado.

Sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng lungsod, nagtamo ng bahagyang sugat ang mga biktima matapos na mabagsakan ng debris mula sa nasusunog na istraktura.

Base sa imbestigasyon,  bandang alas -9 ng umaga nang magsimula ang sunog sa kuwarto ng isang nangu­ngupahan sa 4 storey building na matatagpuan sa M. Valle Street, Brgy. Tangos South ng lungsod.

Ang sunog  ay umabot sa ikalawang alarma at naidekla­rang fire out dakong alas-10:11 ng umaga matapos na magresponde ang mga bumbero.

Nabatid pa na nasa 20  katao na nangungupahan sa 4-storey building ang  naapektuhan nang nangya­ring sunog.

Samantalang mabilis namang nakalabas mula sa nasusunog na gusali ang mayorya ng mga nagungupahan dito na dumaan sa fire exit ng gusali.

Pinaniniwalaan namang isang nag-overheat na electric fan ang pinagmulan ng sunog habang patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.

Show comments