4 sugatan sa sunog sa Navotas
MANILA, Philippines —Apat katao ang nasugatan sa naganap na sunog na tumupok sa 4 storey na gusali sa Brgy. Tangos South, Navotas City nitong Sabado.
Sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng lungsod, nagtamo ng bahagyang sugat ang mga biktima matapos na mabagsakan ng debris mula sa nasusunog na istraktura.
Base sa imbestigasyon, bandang alas -9 ng umaga nang magsimula ang sunog sa kuwarto ng isang nangungupahan sa 4 storey building na matatagpuan sa M. Valle Street, Brgy. Tangos South ng lungsod.
Ang sunog ay umabot sa ikalawang alarma at naideklarang fire out dakong alas-10:11 ng umaga matapos na magresponde ang mga bumbero.
Nabatid pa na nasa 20 katao na nangungupahan sa 4-storey building ang naapektuhan nang nangyaring sunog.
Samantalang mabilis namang nakalabas mula sa nasusunog na gusali ang mayorya ng mga nagungupahan dito na dumaan sa fire exit ng gusali.
Pinaniniwalaan namang isang nag-overheat na electric fan ang pinagmulan ng sunog habang patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.
- Latest