Operating speed ng MRT-3 trains, mas lalong pinabilis
MANILA, Philippines — Binigyan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ng maagang pamasko ang kanilang mga commuters dahil simula ngayong Disyembre ay mas mabilis na ang operating speed ng kanilang mga tren, na aabot na ngayon sa 60 kilometer per hour (kph).
Ayon kay MRT-3 Director for Operations Michael Capati, inaasahan nilang magreresulta ito sa pag-ikli ng biyahe ng mga pasahero ng mula isang oras hanggang 15-minuto ay magiging 50 minuto na lamang mula North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue, Pasay City.
Gayundin, mababawasan din ang waiting time o paghihintay ng mga commuters sa mga tren upang makasakay ng hanggang 3.5 hanggang apat na minuto na lamang mula sa dating walo hanggang 9.5 minuto.
“Ikinalulugod naming i-announce sa inyo na nasa 60 kph na po ang aming takbo sa MRT-3,” anunsiyo pa ni Capati.
Sinabi ni Capati na mula sa dating 30 kph, na siyang bilis ng kanilang mga tren bago ito isailalim sa rehabilitasyon, ay naitaas nila ang operating speed ng mga ito ngayong buwan ng Disyembre ng hanggang 60 kph bilang resulta ng isinagawa nilang mabilis na rehabilitasyon sa buong linya ng MRT-3 na dapat ay sa Pebrero, 2021, pa matatapos.
Sa ngayon, aniya ay may average na 20 tren ang tumatakbo sa linya ng MRT-3 habang nanatili sa 30 percent ang carrying capacity nito.
- Latest