MANILA, Philippines — Nakatakdang magbukas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng anim na ruta patungong Region VIII at pabalik ng Metro Manila, para sa pagbiyahe ng 154 na Provincial Buses simula ngayong Lunes, Nob. 2.
Kabilang sa mga ruta na bubuksan ngayong Lunes ay ang Ormoc City, Leyte - Sta. Rosa Integrated Terminal, Laguna; Palompon, Leyte - Sta. Rosa Integrated Terminal, Laguna; Tacloban City, Leyte - Sta. Rosa Integrated Terminal, Laguna; Maasin City, Southern Leyte - Sta. Rosa Integrated Terminal, Laguna; Catarman, Northern Samar - Sta. Rosa Integrated Terminal, Laguna at Laoang, Northern Samar - Sta. Rosa Integrated Terminal, Laguna.
Kaugnay nito, muli namang ipinapaalala ng LTFRB na walang ipatutupad na taas-pasahe sa mga naturang provincial buses, maliban na lang kung ipinag-utos ito ng kanilang ahensiya.
Ayon sa LTFRB, maaaring bumiyahe ang mga roadworthy public utility vehicles (PUVs) na may valid at existing Certificate of Public Convenience (CPC) o Application for Extension of Validity, at kinakailangang nakarehistro sa Personal Passenger Insurance Policy ang bawat unit sa mga rutang nakapaloob sa MC.
Bilang kapalit naman umano ng Special Permit (SP), mayroong QR Code na ibibigay sa bawat operator na dapat ilagay sa short bond paper at ipaskil sa PUV.
Sinabi ng ahenisya na upang makuha ang QR code ay maaaring magpadala ng request sa kanilang Facebook page, kasama ang kanilang pangalan, mode (hal. PUJ, UVE, etc), case, plaka o chassis number.