MANILA, Philippines — Patay sa pambubugbog ang isang 33-anyos na lalaki makaraang ipagtanggol ang kaniyang ama sa dalawa nilang kaanak, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Wala nang buhay nang maisugod sa Taguig-Pateros District Hospital ang biktimang si Ghiefren Lawag, ng Samama 3, Brgy. Calzada Tipas, ng naturang lungsod.
Nadakip ng mga awtoridad ang magkapatid na mga suspek na sina Mark Anthony Lawag, 29, at si Michael John Lawag, 19, binata, at kapwa ng nabanggit ding barangay.
Sa inisyal na ulat ng Taguig City Police Station, alas-8:30 ng gabi nang magkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng mga suspek at sa tiyuhin nilang si Clemente Lawag, 63, sa may Ruhale Street, sa Brgy. Calzada Tipas.
Sa gitna ng pagtatalo, sinaklolohan ni Ghiefren ang ama ngunit sinalubong siya ng malakas na suntok sa mukha ng magkapatid na suspect dahilan para bumagsak ito. Hindi pa nasiyahan ang mga suspect at patuloy na binugbog ang biktima hanggang sa tuluyang mawalan ng malay at maligo sa sariling dugo.
Natigil lamang ang karahasan nang rumesponde ang mga tauhan ng barangay na nagpatupad ng pag-aresto sa mga suspek. Alas-10:25 ng gabi nang isuko ang magkapatid na suspek sa Station Investigation and Detective Management Section ng Taguig Police.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong murder sa Taguig City Prosecutor’s Office at nakaditine na sa Taguig City Police Station Custodial Jail. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.