MANILA, Philippines — Pinaalalahanan kahapon ng Parañaque City government ang mga negosyante sa lungsod na mayroon sila hanggang katapusan ng Hulyo para magbayad ng kanilang business tax at iba pang mga bayarin.
Sinabi ni Mayor Edwin Olivarez na ang deadline sa pagbabayad ng buwis sa negosyo ay dapat noong Abril 20, ngunit nagpasya silang palawigin ito upang matulungan ang mga negosyante na lubos na naapektuhan ng krisis dala ng COVID pandemic.
Dahil pinalawig ito ng tatlong buwan, inaasahan ni Olivarez na ang lahat ng mga may-ari ng negosyo sa lungsod ay maaaring magbayad ng kanilang buwis hanggang katapusan ng Hulyo 31 nang walang parusa at surcharge.
Saklaw nito ang lahat ng mga uri ng mga nakarehistrong negosyo, kung iisang pagmamay-ari, pakikipagsosyo, korporasyon o koperatiba. Ang mga negosyo ay dapat na magkaroon ng kamalayan na ang batayan ng lokal na buwis sa negosyo ay gross sales/ resibo ng nakaraang taon.
Sinabi ng hepe ng Business and License Office na si Melanie Soriano-Malaya na ang itinakdang petsa ay hindi na mapapalawig pa kahit na ang kanilang tanggapan ay pansamantalang isinara nitong Lunes hanggang Miyerkules dahil sa isinagawang pagdidisimpekta.