Bagong atraksyon sa maynila
MANILA, Philippines — Panibagong atraksyon ngayon sa Maynila ang bagong ‘Golden Manila City Hall Clock Tower’, na inihalintulad sa pamosong ‘Big Ben’ sa London.
Ang lumang clock tower ng Manila City Hall ay pininturahan ng kulay ginto na kapag tinatamaan ng araw ay nagpo-prodyus ng puting liwanag at kislap habang sa gabi naman ay may calming effect dahil sa mga puting ilaw na lalong nagpapatingkad sa ganda nito.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, maaasahan sa tamang oras ang relos nito dahil regular na minomonitor ito para naka-synchronize.
Patuloy pang pagagandahin ito, anang alkalde, para mas maging kaakit-akit sa mga mata ng residente, mga lokal at dayuhang turista.
Naniniwala si Moreno na habang nasa gitna ng pandemya, ang icon na ito ay magiging simbolo ng pag-asa at maipagmamalaki ng mga Manilenyo.
Ang ‘Golden Manila City Hall Clock Tower’ ang maituturing na pinakamalaking clock tower sa bansa sa taas na 100 talampakan, na disensyo ni Antonio Toledo at naitayo noong 1930s kaya kahit sa malayong distansiya maging ng mga motorista ay makikita ang orasan.