MANILA, Philippines — Pinaluwag ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpapalabas ng mga dayuhan na may aprubadong visa kahit na hindi pa natatanggap ang kanilang Alien Certificate of Registration Identity Card (ACR I-Card).
Sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morante na ang bagong panuntunan ay kaugnay ng ipinatutupad na mahigpit na ‘social distancing’sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine ng pamahalaan.
“We will no longer be requiring ACR I-Card Waiver Orders for departing foreign nationals. With the rapid spike in COVID-19 cases, we were prompted to make additional measures to lessen person to person contact,” ani Morente.
Kinakailangan na lamang ng mga dayuhan na lalabas ng bansa na kumuha ng waiver sa BI main office sa Intramuros, Maynila.
Ang mga ipipresenta na lamang sa airport ay ang pasaporte na may valid visa, opisyal na resibo para sa ACR I-Card Application Fee at Emigration Clearance Certificare (ECC) na may Returning Permit o kaya ay Special Resident Certificate (src).
Ang naturang mga dokumento ay maaaring hanapin rin sa kanila sa bansang kanilang pupuntahan, paalala ni Morente.