Women’s Correctional ginalugad: Droga at pera nasamsam
MANILA, Philippines — Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang ilang sachet ng shabu at malaking halaga ng pera sa isinagawang sopresang ‘Oplan Galugad’ sa loob ng women’s correctional sa Mandaluyong City, kahapon ng umaga.
Ayon sa report, dakong alas-8:30 ng umaga nang isagawa ang ‘Oplan Galugad’ sa pasilidad ng correctional kung saan ay nakuha ng mga awtoridad sa ilang preso ang 5 sachet ng hinihinalang droga.
Tinatayang nasa P100,000 cash din ang nakumpiska ng mga tauhan ng BuCor at BJMP sa ‘drug queen’ na si Yu Yuk Lai.
Itinanggi naman ni Yu na galing ang pera sa mga transaksyon na may kinalaman sa ilegal na droga.
May nakuha ring cash, na hindi pa natutukoy ang halaga sa loob ng dormitoryo ng plunder convict na si Janet Lim Napoles.
Isa ring babaeng preso ang nakuhanan ng P150,000 cash sa kanyang dormitoryo.
Ayon sa BuCor Chief Gerald Bantag, halagang P2,000 lang ang puwedeng dalhin ng mga nakapiit sa pasilidad ng women’s corretion.
Sinabi ni Bantag, ang ano mang halagang sosobra sa P2,000 ay dapat i-deposit sa mga tauhan ng BuCor.
Bukod sa hinihinalang droga at pera, nakuha rin sa loob ng pasilidad ang mga game gadget, solar battery, at mga alahas.
Dahil sa mga nakuhang bawal sa pasilidad ay sususpendihin muna ang visiting privilege ng mga presong nakuhanan ng mga kontrabando.
Nahaharap na rin sa disicplinary action ang mga presong nakuhanan ng droga at malaking halaga ng pera.
- Latest