MANILA, Philippines — Hinikayat ni Manila International Airport Authority ( MIAA ) General Manager Ed Monreal ang publiko na magsuot ng face mask o surgical mask bilang pangontra sa nakamamatay na sakit na coronavirus na malala sa Wuhan,China.
Ayon kay Monreal, hindi puwersahan ang pagsusuot ng surgical mask sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) pero mas makabubuti na gumamit nito bilang proteksyon at makaiwas sa close physical contact sakaling mayroong dumating na pasahero na nahawahan ng nasabing sakit.
Kapansin-pansin na karamihan sa mga security personnel, airport employees at mga pasahero ang nakasuot ng surgical mask matapos na muling madiskubre sa ilang bahagi ng China ang pagkalat nang nakahahawang deadly virus kung saan marami ang naitatalang patay.
Sa kabila nito ay patuloy naman na minomonitor ng Bureau of Quarantine sa pamamagitan ng thermal scanner ang lahat ng mga dumarating na pasahero partikular galing China kung saan kapag nakitaan sila ng sintomas ay dadalhin kaagad sa isolation room.
Nagdagdag ang MIAA ng hand sanitizer dispenser sa may immigration counters, customs area at arrival lobby para sa mga pasahero at empleyado ng paliparan upang makatiyak na hindi agad makakapitan ng anumang uri ng bacteria.
Pinayuhan naman ng Bureau of Quarantine ang publiko na ugaliing takpan ng tissue o panyo ang ilong at bibig kapag bumahing sa mataong lugar. Marapat din na ugaliing uminom ng maraming tubig bilang proteksiyon na rin sa kalusugan.