Police General nagsori, imbestigasyon tuloy

Sa paghablot sa cellphone ng tv reporter sa Traslacion

MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan na ni Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge Police Lt. Gen. Archie Gamboa  si Southern Police District (SPD) Director Police Brig. Gen. Nolasco Bathan matapos itong ireklamo ng TV reporter na si Jun Veneracion dahilan sa pang-aagaw sa kanyang cellphone sa kainitan ng coverage sa Traslacion ng Itim na Nazareno kamakalawa.

Ayon kay Gamboa,  nang mabatid ang insidente ay agad niyang ipinag-utos ang pagsisiyasat sa nasabing insidente.

 “Yes precisely ‘yun ang sinasabi ko nga si  General  Bathan. Inamin naman ni General Bathan na s’ya ‘yung kumuha ng cellphone. I think during a press briefing sinabi nya ‘yun but all of these things will be assessed,” pahayag ni Gamboa sa PNP Press Corps.

Samantalang maging  si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ay siniguro ang publiko na magkakaroon ng imbestigasyon hinggil sa pangyayari.

Kahapon humingi na rin ng paumanhin si Gen. Bathan sa ginawa niyang panghahablot sa mobile phone ni Veneracion.

Sinabi nito   na inakala niyang banta ang lalaking kumukuha ng video kaya niya inagaw ang telepono nito sa may Ayala Bridge.

“I would like to apologize for what happened at Ayala Bridge, Manila during the Procession of the Black Nazarene 2020 wherein I confiscated the cellular phone of the media persona­lity who was later on identified as Mr. Jun Veneracion of GMA 7 thinking that he was someone who poses threat during the procession,” ayon kay Bathan.

“What happened between me and Mr. Veneracion was somehow a misunderstanding and I again sincerely apologized for my actions, it all happened unintentionally, we are just secu­ring peace and order in the area,” dagdag niya.

Unang sinabi ni Bathan na hindi niya nakilala si Veneracion dahil sa kalituhan sa nagaganap na kaguluhan. Ngunit nang maisauli at marekober ang binurang video, narinig dito ang isang lalaki na nagsasalita ng katagang, “Burahin mo, burahin mo.  Kuha ni Jun Veneracion.  Pu.....na nagku-kwan eh.”

Nabatid na nagpadala rin ng personal na paumanhin si Bathan kay Veneracion na tinanggap naman ng reporter. (Joy Cantos at Danilo Garcia)

 

Show comments