Bus terminals, sinuyod na ng LTO
MANILA, Philippines — Sinimulan nang suyurin ng mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga bus terminals sa Quezon City bilang bahagi ng paghahanda kaugnay ng nalalapit na bulto ng pasahero na uuwi sa mga probinsiya sa panahon ng Undas.
Kahapon, isang bus ang hindi nakaalis ng Araneta City Bus Station sa Cubao na papuntang Ormoc, Leyte dahil sa mga sirang ilaw.
Ayon kay Bernard Dilangalen, hepe ng LTO-QC extension office, ilan sa mga sinusuri sa mga bus units ay ang windshield, wipers, headlights, platelights, signal lights gayundin ang seatbelts, mga gulong at tail lights.
Anya oras na makakita ng mga paglabag ang sasakyan ay hindi nila pinapayagan na umalis ng terminal para pumasada. Anya, maaaring malagay sa peligro ang buhay ng mga pasahero ng pampublikong sasakyan oras na makaalis na may mga sira ang mga ito.
Sinabi nito na tuwing Undas ay pinatitindi ang road worthiness inspection sa mga sasakyan dahil sa panahong ito ay mas maraming pasahero ang uuwi sa mga lalawigan. Babantayan din ang mga taxi drivers na mang-iisnab at mananamantala sa mga pasahero.
Binalaan din ng LTO ang mga mangongolorum na sasakyan sa Undas dahil oras na mahuli ay malaking multa ang katapat nito bukod sa pag-impound sa kanilang sasakyan.
- Latest