16 pulis sa Bilibid, dinipensa ng National Capital Regional Police Office
MANILA,Philippines — Naniniwala ang bagong talagang hepe ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) P/Brig. Gen. Debold Sinas na walang pagkakasala ang 16 na pulis na nahulihan umano ng alak, sigarilyo at cellular phones sa New Bilibid Prisons (NBP).
Sinabi ni Sinas kahapon na nag-report na sa kaniya ang 14 sa 16 na mga pulis at pinabulaanan nila ang mga akusasyon laban sa kanila. “I don’t think there’s a grave offense sa kanila kasi nga they never violated any policy. Nasa formation po sila,” ayon kay Sinas.
Sa salaysay ng mga pulis, nasa formation pa lang sila sa labas ng NBP nang makumpiska sa kanila ang kanilang personal na mga cellular phones na normal na isinusuko nila bago pumasok ng bilangguan. Isa sa mga pulis ang nahulihan ng dalawang stick ng sigarilyo na pang-personal umano niyang konsumo habang hindi pa naman nag-uulat ang dalawang pulis na nahulihan ng alak.
“I would like to correct that the 16 [were] not actually caught bringing inside the NBP. According to our inquiry, nakuha po ‘yung cellphone, ‘yung dalawang sticks ng sigarilyo at saka ‘yung isang alak doon po sa labas,” giit ni Sinas.
“Siguro ang titingnan ko ‘yung nagdala ng alak, bakit siya nagdala ng alak sa formation,” dagdag niya.
Binigyan ni Sinas ang dalawang pulis na nagdala ng alak ng hanggang ngayong Biyernes para mag-report sa kaniya at kung hindi ay tuluyan niyang sasampahan ng kasong administratibo.
Ipinadala naman ang 14 na nakumpiskang mobile phones sa PNP Anti-Cybercrime Group para isailalim sa forensic examination upang maberepika kung nagamit ang mga ito sa iligal na transaksyon ng mga preso sa loob ng Bilibid.
- Latest