MANILA, Philippines – Nagbabala si Manila Mayor Isko Moreno sa mga contractor na hindi sila magbibigay ng extension sa mga isinasagawang road repairs sa lungsod.
Ginawa ni Moreno ang pahayag nang makipagmeeting ito kay Public Works Secretary Mark Villar na nagpahayag ng tulong sa city government.
Ayon kay Moreno, sa bagong regulasyon ay kailangan na tapusin ng contractor ang mga road repairs alinsunod sa permit na napagkasunduan sa city hall.
Ani Moreno hindi na maaaring gawin ng mga contractor ang kanilang nakasanayan na itetengga ang kanilang trabaho na nakaaapekto naman sa publiko.
“Kung gusto nila ng anim o isang taon na permit ibibigay namin pero walang extension” ani Moreno.
Ikinalungkot din ni Moreno ang pagtetengga ng mga equipment ng mga contractor sa kalsada na ginawa ng parking.
Sa panig naman ni Villar, sinabi nito na handa naman siyang tumulong sa pagbabago sa city government at sabihin lamang ang kanilang kailangan.
Tiniyak din ni Villar na tatapusin nila ang kanilang mga road repairs na patuloy na sagabal sa kalsada at nagiging dahilan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.