KIDAPAWAN CITY, Philippines — Isang mamamahayag na itinuturong isa sa mga suspek sa pagpatay sa isang brodkaster ang sumuko sa pulisya sa Kidapawan City kahapon ng umaga.
Bago pa man isilbi ng mga otoridad ang warrant of arrest, inunahan na ng suspek na si Sotero Jun Jacolbe ang pulisya at kusang sumuko sa Kidapawan City Police.
Bukod kay Jacolbe, sina Bong Encarnacion at Junell Gerozaga ay mga suspek sa pagpatay sa komentarista na si Ed Dizon, ng Brigada News FM Kidapawan.
Ang warrant of arrest laban sa mga suspek ay inilabas makalipas ang 15 araw pagkatapos na matanggap ng Office of the clerk of Court ng Regional Trial Court (RTC-12) ang kaso sa Kidapawan City at na-raffle ito sa sala ni Judge Henelinda Molina Diaz ng Branch 61.
Dahil dito, nakatakdang isilbi ang arrest order ng korte laban kina Encarnacion at Gerozaga.
Una nang pinabulaanan ni Jacolbe at Encarnacion na may kinalaman sila sa pagpaslang sa nasabing mamamahayag.