Hontiveros humingi ng aksyon sa 'pambabastos' ng Angkas rider sa pasahero
MANILA, Philippines — Nanawagan ang isang senador sa transport provider na Angkas maimbestigahan ang inirereklamong driver nila na nang-"harass" diumano ng pasahero.
Sa ulat ng ABS-CBN ngayong umaga, sinasabing naaresto ang isang driver ng Angkas noong Sabado matapos diumano hipuan ang maseselang bahagi ng katawan ng pasahero, na noo'y nakainom.
"Let me be clear. Walang lugar, kahit saan, para sa pambabastos. Tapusin na natin ang paghahari-harian ni 'boy bastos' sa ating lansangan," sabi ni Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, sa isang pahayag.
Pauwi na sana raw sa Eastwood ang babae ngunit pinaikot-ikot daw ng nagmamaneho sa Katipunan at CP Garcia.
Nanawagan din si Hontiveros sa Angkas na gamitin ang Republic Act 11313, o "Bawal Bastos Law," bilang gabay para maresolba ang insidente at maitaguyod ang kultura ng "safe spaces."
Si Hontiveros ang principal author at sponsor ng nasabing batas.
Sinasabing kasalukuyang hawak na ng Anonas Police Station ang suspek.
Inirekomenda na raw ng Philippine National Police na makasuhan ang lalaki kaugnay ng paglabag sa acts of lasciviousness, at maaaring maiakyat pa raw sa "rape" ng biktima.
Ayon kay Hontiveros, nakipag-ugnayan na sila sa Angkas noon upang maitaguyod ang RA 11313.
"Having said that, confident ako that Angkas will be thorough in its investigation, and they will exact accountability," dagdag ng senadora.
Ipinagbabawal ng RA 11313 ang gender-based harassment sa mga pampublikong lugar, gaya ng "catcalling," pagpito, kabilang ang iba pang advances sa pananalita o gawi na maaaring maging banta sa personal na espasyo at kaligtasan ng tao.
Hinihingi na ng PSN ang panig ng Angkas tungkol sa isyu ngunit hindi pa tumutugon sa panayam hanggang sa ngayon.
- Latest