Dahil na naman sa utang
MANILA, Philippines — Kalaboso sa Pasay City Police Detention Center ang isang Malaysian at isang Chinese national na kapwa opisyal ng isang exclusive shopping supermarket nang halos mapatay sa gulpi ang isa pang Tsino, kamakalawa ng umaga sa Pasay City.
Nakilala ang mga inaresto na sina Yap Sin EE, 33, supervisor sa isang sikat na supermarket at Wei Huang, 37, manager at kapwa nanunuluyan sa Brgy. Tambo, Paranaque City.
Nakaratay ngayon sa pagamutan ang biktimang si Xiaobing Zhu, 29, turista, na umuupa naman sa Legaspi Tower, sa Maynila.
Sa ulat ng Pasay City Police, alas-7:10 ng umaga nang may humingi ng saklolo sa nagpapatrulyang pulis ukol sa nagaganap na pambubugbog sa isang lalaki sa may compound ng Hong Kong Sun Plaza sa may Roxas Boulevard, ng naturang lungsod.
Nang rumesponde, inabutan ng mga pulis ang mga suspek na pinagtutulungan ang biktima na halos gulay na at hindi na makatayo dahil sa inabot na gulpi. Dito inaresto ng mga pulis ang dalawang suspek.
Nang isailalim sa imbestigasyon, nabatid na tungkol muli sa utang ang dahilan ng pambubugbog dahil sa may nahiram na P200,000 umano si Xiaobing sa mga suspek na ayaw niyang bayaran.