Metro Manila, karatig lalawigan binaha
MANILA, Philippines — Binaha ang maraming lugar sa Metro Manila at karatig lalawigan bunsod ng matinding pag-uulan na epekto ng pinagsanib na weather disturbances na habagat at low pressure area na nasa Catanduanes.
Dahil sa mga pag- uulan ay itinaas ng PagAsa sa yellow warning ang Metro Manila dulot na rin ng inaasahang pagbaha.
Dahil dito, napilitang magdeklara ang Malacañang ng suspension sa lahat ng trabaho sa gobyerno at pasok sa lahat ng level sa paaralan.
Nagdulot din ito ng mabigat na daloy ng trapiko sa maraming lugar.
Nagresulta naman ito upang maraming mananakay ang na-stranded.
Umabot sa gutter ang taas ng tubig sa kahabaan ng España, mataas din ang tubig sa Kalaw sa Maynila, habang nakapagtala rin ng mataas na tubig baha sa P. Tuazon sa Cubao sa Quezon City.
Huling namataan ang LPA sa may 915 kilometro ng silangan ng Virac Catanduanes na nagbabantang maging isang ganap na bagyo sa susunod na dalawang araw.
Apektado naman ng habagat ang lalawigan ng Pangasinan, Zambales at Bataan samantalang may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm sa Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Cordillera Administrative Region, nalalabing bahagi ng Ilocos at Central Luzon kaya’t patuloy ang pag-uulan na nararanasan dito.
Apektado rin ng LPA ang Bicol region, Visayas, CARAGA at northern Mindanao kaya’t nakakaranas ang mga lugar na ito ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms.
- Latest