MANILA, Philippines — Tatlong pinaghihinalaang miyembro ng robbery gang ang napatay matapos na kumasa sa mga operatiba ng pulisya sa naganap na shootout sa Brgy. Nagkakaisang Nayon, Quezon City nitong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Quezon City Police Director, Brig. Gen. Joselito Esquivel Jr., kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan sa mga suspect. Sinabi ni Esquivel na ang tatlong suspect ay nakipagpalitan ng putok sa mga elemento ng Novaliches Police Station (PS 4 ) sa ilalim ng pamumuno ni Police Lt. Col. Rossel Cejas sa Brgy. Nagkaisang Nayon, Quezon City.
Ayon sa opisyal, nagresponde ang mga operatiba ng PS 4 bandang alas-8 ng gabi matapos na makatanggap ng impormasyon sa Emergency Hotline 911 hinggil sa presensya ng kahina-hinalang mga armadong kalalakihan na umaaligid sa bisinidad ng Gozum St., Saint James Subd., Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches. Gayunman, hindi inabutan ng mga operatiba ang mga suspect.
Samantalang bandang alas- 10:57 naman ng gabi nang muling makatanggap ng tawag sa kanilang hotline ang pulisya kung saan pagsapit sa lugar ay dito na nila sinita ang mga kahina-hinalang suspect pero agad na nagpaputok ng baril ang mga ito na nauwi sa shootout sa pagitan ng magkabilang panig.
Sa kasagsagan ng palitan ng putok ay magkakasunod na tumimbuwang ang mga suspect na pawang nasawi sa insidente.Narekober naman sa crime scene ang tatlong cal. 38 revolvers, mga basyo ng bala ng nasabing araw, limang sachet ng shabu.