Traffic aide kalaboso sa kotong
MANILA, Philippines — Isang traffic aide sa lungsod ng Valenzuela ang bumagsak sa bilangguan makaraang naaktuhan ng kanyang opisyal na nangongotong ng isang motorista, kamakalawa ng gabi.
Nahaharap ngayon sa kasong robbery extortion ang suspek na kinilalang si Alejandro Sison Tolentino, 37, ng Valenzuela City External Service Office at nakatira sa Lambakin, Marilao, Bulacan.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-8:45 ng gabi sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Brgy. Malanday. Pinara at hinuli ni Tolentino si Jimmy Villamor, 51, barangay tanod, dahil sa pagmamaneho ng tricycle sa naturang highway.
Nang makuha ang lisensya ni Villamor, sa halip na tikitan ay tumanggap ang suspek ng P800 at ibinalik ang driver’s license saka pinaalis ang tricycle driver.
Lingid sa kaalaman ni Tolentino, minamatyagan siya ni Traffic Aide 4 Edgardo Ladao na naka-undercover duty sa kanilang mga tauhan upang matukoy ang mga nangongotong. Dito nagpakilala si Ladao kay Tolentino at tuluyan siyang inaresto.
Dinala si Tolentino sa kanilang tanggapan ng CESO kung saan positibo siyang kinilala ni Villamor na nangotong sa kanya.
- Latest