Vico sa election protest ni Eusebio: ‘Natatawa ako’
MANILA, Philippines — Inihayag ni Pasig City mayor-elect Vico Sotto na ang kanyang katunggaling si incumbent Pasig City Mayor Bobby Eusebio lamang ang mapapahiya kung itutuloy nito ang planong pagsasampa ng election protest laban sa kanya.
Natatawa umano ang bagong halal na Mayor ng Pasig sa akusasyon ng kampo ni Eusebio na minanipula ang eleksyon kaya siya nanalo.
Sinabi ni Sotto, nakakatawa ang pahayag ni Eusebio dahil napakaimposible aniya ng sinasabi ng outgoing mayor, lalo na at ito ang kasalukuyang nakaupo sa pwesto.
“If it’s true and if he does push through that, medyo nakakatawa naman. Sila iyung incumbent, hawak nila ang ballot boxes... If he does push through with it, siya naman po ang mapapahiya, hindi naman po kami,” paliwanag pa ni Sotto.
Idinagdag pa ni Sotto na karapatan naman ni Eusebio na magreklamo ngunit kung siya aniya ang tatanungin ay mas makabubuti na tanggapin na lamang ang pagkatalo at sama-sama silang mag-move forward na lang.
Tiniyak din naman ni Sotto na handa siyang makipagtulungan sa mga Eusebio para sa smooth transition sa kanilang lokal na pamahalaan.
Sa kabilang dako, siniguro rin ng millennial mayor na hindi niya tatanggalin sa trabaho ang mga empleyado ng city hall na sumama sa protesta laban sa kaniya, kahit pa loyal ang mga ito sa mga Eusebio.
Aniya, hindi naman kailangang maging loyal sa kanya ang mga ito upang manatili sa kanilang trabaho dahil ang kailangan lamang aniya ay maging tapat ito sa kanilang serbisyo para sa kanilang mamamayan.
Matatandaang tinuldukan ni Sotto ang 27-taong pamumuno ng mga Eusebio sa Pasig nang talunin ang incumbent mayor sa midterm elections.
- Latest