Traffic enforcer gulpi-sarado sa 2 motorista
MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang lalaki makaraang pagtulungang gulpihin ang isang traffic enforcer na inakusahan nilang sadyang pinatakas ang isang motoristang sakay ng sports utility vehicle (SUV) na sangkot sa isang insidente sa trapiko, kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.
Kinilala ang dalawang suspek na sina Earvin Ray Mariano, 23, E-bike technician, at si Michael Earl Guevarra, 27.
Sa ulat ng Valenzuela City Police, alas-6:10 ng gabi nang respondehan nina Valenzuela City Traffic Enforcers Leonardo Lim, 37 at Alvin Nastor, 38, ang isang insidente ng trapiko sa may MacAthur Highway sa Brgy. Malanday.
Dito nila inabutan ang dalawang suspek na umano’y lango sa alak na nakikipagtalo sa isang lalaki na driver ng isang puting Mitsubishi Pajero. Tinangkang ayusin ng dalawang enforcer ang problema ngunit biglang pinaharurot ng motorista ang Pajero.
Nagalit ang dalawang suspek at kinompronta ang dalawang enforcer na inakusahan nila na sinad-yang patakasin ang motorista. Nang mangatwiran si Lim, dito siya pinagsusuntok ng dalawang suspek sa ulo. Agad namang tumawag ng saklolo si Nastor sa mga tauhan ng Police Community Precinct 4 na siyang dumakip sa dalawang suspek. Nahaharap sila ngayon sa kasong physical injuries at direct assault upon an agent in authority.
- Latest