MANILA, Philippines — Isang pulis ang itinuturong pangunahing suspect ng kampo ni Allan Fajardo sa nangyaring pagdukot dito nitong Miyerkules ng gabi sa isang hotel sa Sta.Rosa, Laguna.
Sa ginawang press conference, sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, abugado ng pamilya Fajardo, base sa dami nang dumukot at sa istilo ng pagdukot sa biktima, pawang pulis lang ang may ganitong kapasidad.
Matatandaang sa nangyaring pagdukot sa dating aide ng pinaslang na Tanuan Mayor Antonio Halili, unang lumabas na 10 hanggang 15 katao ang dumukot kay Fajardo subalit may nakuhang i-witness ang kampo nito na sinasabing nasa 30 katao ang nagsagawa ng pagdukot at pawang matataas na kalibre ng baril ang dala.
Punto pa ni Topacio, mistulang may basbas ng mga opisyales ng militar o pulis para maisagawa ang nasabing pagdukot.
Dagdag pa nito walang ginawang aksyon ang PNP nang humingi sila ng tulong nang mapasama ang pangalan ni Fajardo sa drug matrix ng PNP Calabarzon.
Paliwanag ng abogado posibleng naharang ang sulat na kanilang ipinadala kay PNP chief Oscar Albayalde dahilan para sa NBI na sila magpasaklolo na agad namang umaksyon para imbestigahan kung talagang sangkot nga sa iligal na transaksyon si Fajardo.
Sinabi rin ng asawa ni Fajardo na si Noreen na nagawa pang tumawag ng mister sa kanya nung mismong gabi na ito ay dinukot.
Aniya nangangatal ang boses ng kanyang mister at sinasabing nakadapa sila at maraming pulis na nakapalibot.
Wala naman nang kumpiyansa ang kampo ni Fajardo sa pwersa ng Calabarzon police dahil sa mistulang pagbalewala sa nangyaring pagdukot sa kanilang area of responsibility kung saan hanggang sa ngayon ay hindi manlang nagpapahatid ng anumang tulong sa pamilya Fajardo.