50K riders umalma sa dobleng plaka
MANILA, Philippines — Tinatayang mahigit sa 50,000 motorcycle riders na kabilang sa iba’t ibang motorcycle groups ang umalma at nakiisa sa isang Unity Ride na isinagawa kahapon upang ipakita ang kanilang pagtutol sa diskriminasyon at paglalagay ng dobleng plaka sa kanilang motorsiklo.
Nagtipun-tipon kahapon ng umaga ang mga riders sa kahabaan ng EDSA sa People Power Monument, sa Quezon City, sa kahabaan ng EDSA bilang pagkondena sa ‘Doble Plaka Law’.
Batay sa pagtaya ng Quezon City Police District (QCPD), mahigit 10,000 riders ang nakilahok sa unity ride na sumakop sa may tatlong northbound lanes sa bahagi ng EDSA-White Plains.
Isinagawa nila ang unity ride mula sa People Power Monument at nagtapos sa Senado, upang igiit ang pagtutol nila sa Republic Act 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte at nagmamandato sa Land Transporation Office (LTO) na mag-isyu sa mga motorsiklo ng mas malaki, mas nababasa, at color-coded na plaka, na ikakabit sa harapan at likurang bahagi ng motorsiklo.
Ayon sa mga riders, delikado ang pagkakabit ng malaking plaka lalo na sa harapan ng motorsiklo dahil maaari itong magdulot ng aksidente sa riders at maging kapwa nila motorista at pedestrians.
Bukod dito, kailangan pa umano ng mas masusing pag-aaral sa disenyo ng magiging plaka dahil iba’t ibang istraktura ng bawat motorsiklo.
Una naman nang ipinaliwanag nina Senador Richard Gordon at Senador Tito Sotto, na layunin lamang ng batas na maresolba ang mga krimeng likha ng mga riding-in-tandem sa bansa, partikular na sa Metro Manila.
Ang mga lalabag sa naturang batas ay mahaharap sa multang aabot sa P50,000 at posibleng pagkakulong.
- Latest