Pagbasa ng hatol sa miyembro ng ‘Sinaloa drug cartel,’ ipinagpaliban
MANILA, Philippines — Ipinagpaliban muna kahapon ng korte ang pagbasa ng hatol laban sa isang Mexican national, na miyembro ng isang drug syndicate na nakuhanan ng nasa 2.5 kilong cocaine, na nagkakahalaga ng P12 million sa Makati City.
Dapat sana’y kahapon ng umaga babasahan ng hatol ni Makati City Regional Trial Court (RTC), Branch 63 Judge Selma Palacio Alaras ang akusadong si Horacio Herrera, na kasapi umano ng ‘Mexican’ Sinaloa drug cartel’ pero naudlot ito kasabay nang pahayag ng isa sa staff judge na pag-aaralan pa muna nang husto ang kaso.
Bukod dito, hindi dumating ang abogado ng akusado, na isa sa mga nakikita ring dahilan kung bakit ipinagpaliban muna ang pagbasa sa hatol nito. Sa Pebrero 13, muling itinakda ng korte ang pagbasa ng hatol sa naturang dayuhan.
Matatandaan, na noong Enero 11, 2015 nang maaresto ang akusado sa isang buy-bust operation na isinagawa nang pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP AIDSOFT sa isang hotel sa Makati City.
Nakumpiska sa akusado ang nasa 2.5 kilong cocaine, na nagkakahalaga ng P12 million. Itinanggi naman ng akusado na sa kanya ang nasamsam na mga droga.
Ang ‘Mexican Sinaloa drug cartel’, ay sinasabing maimpluwensiyang drug syndicate na nag-ooperate sa America, West Africa, Australia, Europa, at Southeast Asia kasama na ang Pilipinas.
- Latest