MANILA, Philippines — Isang hinihinalang karnaper ng mga motorsiklo ang natodas nang makipagbarilan sa mga tumutugis na pulis, kahapon ng madaling araw sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela City Police chief, Sr. Supt. David Poklay ang napaslang na suspek na si Benjamin Taroy, 34, ng Que Grande, Brgy. Ugong, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, pasado alas-12 ng hatinggabi nang harangin ng dalawang lalaki ang rider na si Abner John Amurao sa may Capt. Cruz Street, Brgy. Parada. Tinangay ng mga salarin ang kanyang Yamaha scooter na kulay orange makaraang tutukan siya ng baril sa tagiliran.
Tiyempo namang may napadaan na mobile patrol unit ng Valenzuela City Police kaya agad na nakahingi ng saklolo ang biktima. Agad na nagpalabas ng alarma ang pulisya hanggang sa mamataan ang ninakaw na motorsiklo sa may Que Grande Street, Brgy. Ugong dakong alas-2:45 ng umaga.
Dito rumesponde ang mga tauhan ng Valenzuela Anti-Carnapping Unit, Station Intelligence Branch at Special Operations Unit. Nagkaroon ng habulan hanggang sa nakipagbarilan ang mga salarin sa mga pulis sa isang eskinita. Gumanti ang mga pulis at isa sa mga salarin ang napuruhan at napatay.
Ayon kay Valenzuela Police-Criminal Investigation Section head, Chief Insp. Joey Hizon, isa nilang tauhan ang tinamaan rin ng bala pero masuwerte na nakasuot siya ng bullet proof vest kaya nakaligtas sa kapahamakan.
Positibo namang kinilala ng biktima ang napaslang na suspek at ang kanyang motorsiklo na nabawi ng mga pulis. Bukod dito, apat pang iba’t ibang uri ng motorsiklo at tatlong kinatay na motorsiklo ang narekober sa kuta ng mga suspek.