Hinuling suspect ni-rape para mapalaya
MANILA, Philippines — Dalawa na namang bagitong pulis na nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) ang dinakip kaugnay sa panghahalay sa inaresto nilang bebot dahil sa illegal gambling.
Iniharap kahapon sa tanggapan ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar ang mga suspect na sina PO1s Jayson Portuguez, 29, at Severiano Montalban III, kapwa nakatalaga sa Tactical Motrocycle Riders (TMR) ng QCPD Police Station 4 Novaliches.
Bunsod ng insidente ay agad ding sinibak sa puwesto ang hepe ng QCPD-TMR-PS-4 na si P/Inps. Ronaldo Sergio, at tatlo pa nitong tauhan na sina PO2 George De Leon, PO1 Benjieson Pablo, at PO1 King Ogalesco na kasama sa pag-aresto sa nagsusugal na biktimang dalaga.
Base sa report, alas-2:00 ng madaling-araw nang madakip nang pinagsanib na pwersa ng Regional Women and Children Protection Desk (RWCPD) at Regional Special Operations Unit (RSOU) ng NCRPO ang mga suspect .
Bunsod ito ng reklamo sa tanggapan ng RWCPD, NCRPO ng biktima na itinago sa pangalang Maria hinggil sa ginawang pang-aabuso sa kanya ng mga suspect.
Nabatid na noong Nobyembre 2, alas-6:00 ng gabi ay dinalaw ng biktimang si Maria ang kanyang kinakasamang si John Kenneth Carillo, na nadakip ng mga kagawad ng QCPD Police Station 4 Novaliches dahil sa iligal na sugal.
Pagkatapos noong Nobyembre 3 ay nagtungo si Maria sa Plaza Nova para bisitahin ang mga kaibigan, pagkaraan ng ilang oras ay dumating sa lugar ang operatiba ng TMR and Mobile Patrol Unit (MPU) ng QCPD Police Station 4 kasama ang dalawang suspect.
Inaresto si Maria at lima pang kababaihan dahil din sa paglabag sa PD 1602 (Illegal Gambling) at kaagad silang dinala sa Quezon City General Hospital para sa medical examination.
Nakiusap si Maria sa mga suspect na palayain siya dahil nadakip na ang kanyang kinakasama dahil din sa kaparehong kaso.
Dito ay sinabi ni PO1 Montalban III, na palalayain aniya siya kapalit na makipag-sex siya dito at pumayag ang babae
Ala-1:00 ng madaling araw ng Nobyembre 3, 2018, dinala ang biktima sa madilim na bahagi ng Quezon City General Hospital at naganap ang kanilang pagtatalik sa loob ng police mobile pick-up vehicle.
Pagkatapos ay ipinasa ang biktima kay PO1 Portuguez, na hindi naman ito nakipagtalik, subalit inutusan niya ang babae na magsagawa ng sexual acts.
Nang isalang sa police line-up ang dalawang bagitong pulis ay positibong kinilala ang mga ito ng nabanggit na biktima.