Food poisoning probe sa buffet resto inutos
MANILA, Philippines — Inutos kahapon ni San Juan City Mayor Guia Gomez ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga ulat na ilang mga pamilya ang nakaranas ng pagkalason makaraang kumain sa isang buffet restaurant sa lungsod noong Agosto 18.
Sinabihan ni Gomez sina City Health Office Chief Dr. Jesus Esteban at City Environment and Natural Resources Chief Dante Santiago na inspeksyunin ang mga pagkain at pasilidad ng naturang restawran.
“Nais din ng alkalde na makipag-ugnayan si Dr. Esteban sa mga biktima ng food poisoning para malinawan ang insidente,” sabi ni Grace Pardines, hepe ng public information office ng lungsod.
Nalaman ni Gomez ang insidente sa pamamagitan ng Facebook post ni Karessa Mae Bulay Limpot noong hapon ng Biyernes, ayon pa kay Pardines.
Nakipag-ugnayan din ang alkalde kay San Juan Police Chief Sr/Supt. Dindo Reyes, pero lumalabas na wala pang naghahain sa pulisya ng reklamo laban sa restawran mula noong Agosto 19 pataas.
Pero, sa kanyang Facebook post noong Agosto 30, sinabi ni Limpot na ang kanyang pamilya ay nagkaroon ng acute kidney failure dahil sa severe dehydration na dulot ng acute gastroentirities makaraang mananghalian sa naturang restawran noong Agosto 19.
Tinangka ng Star na kunin ang panig ng restawran pero sinabi ng restaurant reservation officer nito na nasa isang closed-door conference ang pangasiwaan at hindi niya maaaring abalahin ang mga ito.
Sinabi pa niya na magpapalabas ang pangasiwaan ng pahayag hinggil sa naturang insidente.
- Latest