Ikinakalat ng sindikato sa Pinas
MANILA, Philippines — Umalerto ang pulisya sa isang uri ng bagong droga na ipinapakalat sa bansa ng mga sindikato makaraang masabat ang nasa 210 piraso /tableta ng drogang ‘LSD’ o ‘Acid’ sa ikinasang operasyon ng Northern Police District sa carpark ng isang mall sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Isinasailalim ngayon sa masusing imbestigasyon ng NPD Drug Enforcement Unit ang suspek na si Juan Carlos Villanueva, 23.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, ikinasa ang buy- bust operation laban sa suspek base sa impormasyong natanggap ng mga anti-drug operatives sa kanilang mga impormante ukol sa pagtutulak ng bagong uri ng droga sa bansa.
Alas-9:30 ng gabi nang madakip si Villanueva matapos na magbenta ng 10 tableta ng ‘Acid’ sa isang poseur buyer. Nang halughugin ang kanyang Volkswagen Polo type sedan na kotse, nadiskubre ang nasa 200 pang tabletas ng parehong droga.
Nabatid na ang LSD o ‘Lysergic acid diethylamide’ na mas kilala sa Estados Unidos na ‘Acid’ ay nagdudulot ng pekeng realidad o halusinasyon sa gumagamit nito na nagtatagal ng mula 10 hanggang 12 oras.
Nakaditine ngayon ang suspek sa NPD-DEU Detention Center at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.