Mga sundalo, 1-taong libre sa MRT-3
MANILA, Philippines — Simula ngayong araw, Abril 25, libre ang pagsakay sa MRT-3 ng mga opisyal at miyembro ng Armed Force of the Philippines (AFP) at ito ay magtatagal ng isang taon o hanggang Abril 25, 2019.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade, ang isang taong libreng sakay ng mga sundalo ay bilang pagkilala ng MRT-3 sa sakripisyo at kabayanihan ng mga sundalo para magkaroon ng kapayapaan at katahimikan sa bansa.
“Isa sa pinakamahirap na tungkulin ang maging sundalo. Maliit na pabor lamang ito bilang pasasalamat sa kanilang sakripisyo at pagmamahal sa bayan,” ani Tugade.
Nagkaroon na ng pirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA) ang DOTr, MRT-3 at AFP hinggil sa isang taong libreng sakay ng mga sundalo.
Kailangan lamang na ipakita ng mga sundalo ang kanilang valid AFP-ID para maka-avail ng unlimited rides sa MRT-3.
Malugod namang nagpapasalamat ang pamunuan ng AFP sa ‘gesture’ sa kanila kaya maglalagay sila ng ambulance at medical teams para magbigay ng assistance kapag nagkaroon ng emergency at crisis situations sa MRT-3.
- Latest