MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang mister na magkaangkas sa motorsiklo dahil sa paglabag sa batas trapiko at gun ban ng Commission on Elections sa isang checkpoint sa Marikina City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Eastern Police District Director P/Chief Supt. Reynaldo Biay ang mga suspek na sina Danilo Bello, karpintero, at Geraldo Meren, tricycle driver, kapwa may-asawa at residente ng Barangay Marikina Heights.
Batay sa ulat ng Marikina City Police, dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa isang checkpoint sa West Drive Street, kanto ng Narra Street, sa Brgy. Marikina Heights.
Nauna rito, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Police Community Precinct 9 (PCP-9) sa isang Comelec checkpoint sa naturang lugar nang mamataan ang mga suspek, na magkaangkas sa motorsiklo na ‘for registration’ ang plaka kaya pinara ito.
Sa halip na huminto ay tinangka pa ng mga suspek na tumakas kaya hinabol sila ng mga pulis at nang makorner ay kaagad na kinapkapan.
Si Bello ay nahulihan ng kalibre .9mm na pistola na may limang bala, habang isang patalim naman ang narekober mula kay Meren na paglabag sa gun ban.
Nadagdagan pa ang asunto ng mga suspek nang ma-bigong magpakita ng driver’s license at OR-CR ng kanilang motorsiklo na paglabag sa batas sa trapiko.