4 na miyembro ng carnap gang tiklo
MANILA, Philippines — Apat katao kabilang ang isang babae ang inaresto ng mga tauhan ng pulisya matapos matukoy na sangkot sila sa pagkarnap at pagbebenta ng mga motorsiklo, sa Tondo, Maynila, sa isinagawang follow-up operation kamakalawa ng gabi.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Manila Police District-Station 7 Chief, Supt. Jerry Corpuz, ipaghaharap ng reklamong paglabag sa Republic Act 10883 (New Anti-Carnapping Act), RA 10591 (illegal possession of firearms), Revised Ordinance 864-C at Omnibus Election Code ang mga nadakip na na sina Alexander Banzuelo, 20, ng Building 21, Balut, Tondo Vanessa de Mesa, 30, ng no. 516 Benita St., Tondo; Jayson Laquindanum, 32, ng Building 20, Balut; at Ronald Encarnado, 38, ng 516 Benita St,.
Bukod umano sa suspek sa pagtangay ng SYM RVU 1-2, na may plakang BD 23862 na pag-aari ng isang Aldec John Padua ay nakuhanan sila ng kalibre 45 baril na kargado ng anim na bala, dalawang patalim at tatlong bala ng 9mm kalibre ng baril.
Patuloy pang nangangalap ng mga ebidenisya ang pulisya hinggil sa iba pang kaso ng carnapping na kinasasangkutan ng mga suspek.
Sa nakuhang dalawang kopya ng ‘hulicam’, sinabi sa ulat na ang babaeng si De Mesa ang nagsilbing look-out, si Encarnado ang lumalapit sa target na sasakyan habang si Banzuelo at Laquindanum ang tagabenta ng karnap na sasakyan.
Ang pinakahuling insidente ng pagnanakaw ay nangyari dakong alas-8:30 ng gabi noong April 14 sa Antipolo Street kung saan ang nabiktima at natangayan ng motorsiklo ay si Padua.
Dahil sa natunton ang nawawalang motorsiklo ni Padua, siya mismo ang nakipagtulungan sa mga pulis para matunton naman ang mga suspek.
Kaagad namang nagkasa ng follow-up operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-8:30 ng gabi kamakalawa sa Dagupan St., panulukan ng Moriones St., Tondo.
- Latest