Shootout sa Pasig: Karnaper utas!
MANILA, Philippines — Todas ang sinasabing karnaper makaraang “kumasa” at makipagbarilan sa mga awtoridad sa Barangay Kapasigan, Pasig City kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot nang buhay sa Rizal Medical Center ang suspek na si Ferdinand Dayola, alyas ‘Peng,’ nasa hustong gulang, at residente ng naturang lugar, at umano’y may nakabinbing warrant of arrest dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 6593 o Anti-Carnapping Law, matapos na mabaril sa katawan ng mga awtoridad.
Batay sa ulat ng Pasig City Police na nakarating sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Reynaldo Biay, dakong alas-6:10 ng gabi nang maganap ang engkuwentro sa Sunflower Street, sa nasabing barangay.
Kasalukuyang nagsasagawa ng surveillance operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PO3 Lito Villarosa sa lugar laban sa isang hinihinalang drug pusher nang matiyempuhan si Dayola.
Nang makita naman ng suspek ang mga pulis ay kaagad siyang kumaripas ng takbo sanhi upang habulin ni PO1 Arsenio Velardo Jr. Gayunman, sa halip na sumuko ay nagbunot ng baril ang suspek at nagpaputok umano sa humahabol na pulis. Dito na napilitang gumanti ng putok si PO1 Velardo, na nagresulta upang tamaan sa katawan ang suspek at masawi.
- Latest