Motorsiklo sumemplang: Sekyu pisak sa van

MANILA, Philippines — Isang security guard ang nasawi nang masagasaan ng kasunod niyang van ang kanyang ulo matapos na bu­mangga sa concrete barrier at sumemplang ang sinasakyang motorsiklo sa Brgy. Bagong Ilog, Pasig City kama­kalawa.

 Agad na nasawi ang biktimang si Roberto Danes Ga­yasa Jr., 39, at residente ng 6070 Tatalon St., Quezon City habang nakadetine na ang suspek na si Edgardo Garcia Cabrera, 62, ng 8 Parola Street, Cainta, Rizal na sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide. 

Batay sa ulat ni PO2 Jerry Balansay ng Pasig City Police, dakong alas-6:45 ng umaga  habang sakay si Gayasa ng kanyang motorsiklo at bumabagtas sa southbound ng C-5 Road sa Brgy. Bagong Ilog patungong direksyon ng Taguig City, kasunod si Cabrera na nagmamaneho naman ng isang Isuzu Elf Reefer Van Truck (AAV-4961), nang aksidente umanong tumama ang kanang bahagi ng motorsiklo ng biktima sa isang konkretong harang. Dahil dito, nawalan ng balanse at kontrol ang biktima hanggang sa kasamang sumemplang ang kanyang motorsiklo.

Hindi na nagawa pang makapagpreno ni Cabrera sanhi upang magulungan ng unang kanang gulong ng kanyang minamanehong van ang ulo ng biktima, na nagresulta sa agarang kamatayan nito.

Show comments