MANILA, Philippines — Arestado ang 10 katao na naaktuhang nagpa-pot session o bumabatak ng shabu at nakumpiskahan pa ng mga patalim at sumpak sa inilunsad na Oplan Galugad ng Pasig City Police sa Brgy. Sta. Lucia, Pasig City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Romar Canapi, Jember Bagayo, Ricky Biclar, Leonardo Daleja, Joseph Enoc, Efren Obias, Joseph Misa, Lhister Redulla, Renato Estrella, at Angelito Cagbabanwa, pawang nasa hustong gulang at residente ng lungsod.
Sa ulat ng Pasig City Police, dakong alas-7:00 ng gabi nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Police Community Precinct 6 (PCP-6) at BSF Barangay Sta. Lucia ang mga tahanan sa isang estero sa Eastbank Road sa Barangay Sta. Lucia.
Kaagad namang inaresto ang mga suspek nang maaktuhan silang gumagamit ng illegal na droga.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 10 pirasong plastic sachet ng shabu, apat na patalim, dalawang sumpak, at mga drug paraphernalias.
Ang mga suspek na pawang nakadetine sa Pasig City Police ay sasampahan sa piskalya ng mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 (illegal possession of firearms); Batas Pambansa 6 (illegal possession of bladed weapons) at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.