MANILA, Philippines — Aarmasan ng baton ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang mga traffic enforcer sa pagdisiplina at panghuhuli ng mga pasaway na mga motorista na lumalabag sa batas trapiko.
Ang 200 pirasong baton, ang tinanggap ni MMDA Chairman Danilo Lim mula sa isang negosyanteng si Jaime Dichaves sa kanilang flag raising, kahapon ng umaga sa tanggapan ng ahensiya sa Makati City.
Nabatid na ang mga baton ang magiging armas ng mga traffic enforcer ng MMDA na nakalagay ito sa kanilang likuran.
Gagamitin nila ito sa panghuhuli at sa mga motoristang nagbabalak na manakit sa kanila kapag hinuhuli nila ito.
“I think it is time that our enforcers are armed with this, imbes na iyong ticket lang,” ani MMDA general manager Jojo Arturo Garcia.
Nabatid na sasailalim ang mga enforcer sa short course training para sa pagtatanggol nila sa sarili.
Ngunit, nilinaw ni Garcia, na paiiralin pa rin ng kanilang mga traffic enforcers ang “maximum tolerance” sa panghuhuli sa mga violator.