75 truck ng basura nahakot pagkatapos ng prusisyon ng Nazareno
MANILA, Philippines — Umabot sa 75 truck o katumbas ng nasa 385 tonelada ng basura ang nahakot matapos ang isinagawang traslacion ng Itim na Nazareno kahapon.
Ito ang nabatid sa tanggapan ng Department of Public Services kasabay nang pagsasabing mara-ming mga deboto ang wa-lang disiplina.
Ayon kay Task Force Manila Cleanup chief Che Borromeo, tila hindi epektibo ang kanilang sunud-sunod na apela at panawagan sa mga deboto ‘wag magkalat at sinupin ang kanilang mga basura.
Nabatid na sa traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno kamakalawa, ilang tonelada pa rin ng basura ang iniwan ng mga deboto sa mga kalyeng dinaanan ng prusisyon sa isinagawang clean-up drive ng Department of Public Services (DPS) at Task Force Manila Cleanup.
Kabilang sa mga nakolektang basura ay mga styro na pinaglagyan ng pagkain, plastic bottles, sari-saring papel, karton, plastic bags, upos ng sigarilyo, mga sticks sa gilid ng kalsada at may ilang babasaging bote pa.
Napag-alaman na noong isang taon ay umabot lang sa 65 truck ng basura o nasa 341 tonelada lamang ang nakolekta ng mga awtoridad sa isinagawa nilang paglilinis.
- Latest