Punerarya na nag-iimbak ng nabubulok na bangkay, ipasasara
MANILA, Philippines — Malaki ang posibilidad na maipasara ang punerarya sa Maynila na nag-iimbak ng mga nabubulok na bangkay.
Ito ang sinabi kahapon ni Manila Mayor Joseph Estrada kasabay ng kanyang kautusan sa mga city hall inspectors na pag-aralan ang maaaring pananagutan ng funeral parlor dahil sa umano’y mali nitong pag-iimbak ng mga nabubulok at umaalingasaw nang bangkay.
Ayon kay Estrada, hindi siya mangingiming ipasara ang Archangel Funeral Homes na matatagpuan sa Vicente G. Cruz St. sa Sampaloc kapag napatunayang nilabag nito ang Presidential Decree 856 o ang Code on Sanitation of the Philippines.
Pinangunahan ni Boyet San Gabriel, hepe ng Sanitation Division ang isinagawang inspeksyon sa Archangel nitong Martes matapos makatanggap ng reklamo sa umano’y marumi nitong pag-iimbak ng mga hindi pa nake-claim na mga bangkay.
Sinabi ni Estrada na siya mismo ay nanlumo sa kondisyon ng may tinatayang 23 bangkay na nilagay lang sa sahig at nilalangaw at inuuod na at wala man lang takip.
Inatasan niya si San Gabriel na utusan ang naturang punerarya na ayusin nito ang kanilang paglabag sa loob ng anim na araw at kung hindi ay ipapabawi niya ang permit nito.
Samantala, tiniyak naman ng pamunuan ng Archangel Funeral na tatalima sila sa utos ng Manila Health Department na ayusin ang kanilang sistema sa pagtatabi ng mga bangkay.
Kasabay nito pinabulaanan ng Archangel na may mga nabubulok o dinadaga ang kanilang mga patay. Masyado lamang umanong marami ang kanilang patay at walang kumukuha dito subalit hindi nila pinababayaan ang mga ito.
- Latest