2 pang ‘kotong cops’ arestado sa Caloocan
MANILA, Philippines - Dahil sa reklamo ng ‘pangongotong’, dalawa pang parak ang nasakote ng mga elemento ng PNP-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) sa isinagawang entrapment operation sa lungsod ng Caloocan, dakong alas-9:30 nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ng deputy chief of police for administration ng Caloocam City Police na si Police Chief Insp. Ilustre Mendoza, ang mga naarestong pulis na sina PO2 Jaypee John Pagarigan at PO1 Christian Panganiban, kapwa nakatalaga sa Caloocan Police Community Precinct (PCP) 3 Drug Enforcement Unit (DEU).
Sa pahayag ni Mendoza, noong July 23 ng taong kasalukuyan nang maaresto nina Pagarigan at Panganiban si Isidro Denaga, 47, dahil sa pagsusugal ng “cara y cruz” sa kanilang lugar.
Sa halip na kasuhan ay hiningian umano ng dalawang pulis ang mga kaanak ni Denaga ng P10,000 para sa kalayaan nito kaya humingi ng tulong ang kanyang pamilya sa mga tauhan ng CITF.
Ikinasa ng mga tauhan ng CITF, PNP sa pamumuno ni Police Supt. Bonifacio Araña ang isang entrapment operation laban sa dalawang pulis na agad namang nadakip matapos na tanggapin ng mga ito ang marked money mula sa mga kaanak ni Denaga.
Kasalukuyan na ngayong iniimbestigahan sa PNP-CITF Headquarters sa Camp Crame ang mga nadakip na parak.
- Latest