MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang 59-anyos na rider nang sumemplang ang minamanehong motorsiklo at magulungan ang ulo ng pampasaherong dyip, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Rogelio Azcueta, empleyado at residente ng Fullon St., Tondo habang bahagyang nasugatan ang kanyang back rider na si Jennet Haniel, 40, empleyado, at residente ng Pampanga St., Tondo.
Hawak na ng mga awtoridad ang sumurender na driver ng nakasagasang dyip na si Gimar Duhaylungsod, 33, ng San Juan City.
Sa ulat ni SPO1 Christopher David ng Manila Police District-Vehicular Traffic Investigation Section (VTIS), dakong alas-7:40 ng gabi nang maganap ang aksidente sa westbound lane ng Claro M. Recto Avenue, sa kanto ng Severino Reyes St., sakop ng Tondo.
Nauna rito, minamaneho ni Azcueta ang isang Honda Wave motorcycle (ND-80702), kaangkas si Haniel, at bumabagtas pa-western direction ng Recto Avenue nang bigla umanong sumemplang ang mga ito nang mawalan ng balanse matapos na mapadaan sa isang steel platform sa kanto sa Severino Reyes St.
Nagkataon namang bu-mabaybay sa nasabing lugar ang dyip na may (DFJ-179) na rutang San Juan-Divisoria, at hindi napigilan na masagasaan ang bigla-ang pagbagsak ng rider sa motorsiklo.
Samantala, sa Valenzuela City, isa pa ring motorcycle rider ang nasawi makaraang sumalpok sa kasalubong na AUV (Asian Utility Vehicle) matapos na magkamali ng pag-overtake sa sinusundang sasakyan, kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang biktimang si Christian Villanueva, 22, binata, naninirahan sa Brgy. Maysan, Valenzuela.
Sumuko naman at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang tsuper ng Mitsubishi Adventure (ZFS 889) na si Joan Dorado, 36, ng San Jose Del Monte, Bulacan.
Sa ulat ng Valenzuela City Traffic Investigation Unit, naganap ang insidente dakong alas-2:40 ng madaling araw sa kahabaan ng Maysan Road sa naturang lungsod. Binabagtas ni Dorado ang lane patungo sa Malinta habang nasa kabilang lane naman si Villanueva sakay ng kanyang Honda motorcycle.
Bigla umanong umovertake sa sinusundang sasakyan ang motorsiklo ngunit nabulaga sa kasalubong na Adventure van sa paglipat sa kabilang lane dahilan ng kanilang salpukan. Dito tumilapon sa kanyang motorsiklo ang biktima at bumagsak sa semento dahilan ng matin-ding pinsala sa kanyang ulo at katawan.