Shootout: ‘Tulak’ utas
MANILA, Philippines - Patay ang isa sa mga riding in tandem na ‘tulak’ ng droga matapos itong makipagbarilan sa mga pulis habang nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspect, na kaagad na nasawi sanhi ng ilang tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa hepe ng Parañaque City Police na si Police Sr. Supt. Jemar D. Modequillo, naganap ang insidente alas-12:30 kahapon ng madaling araw sa Sunrise Drive, Brgy. San Antonio ng naturang siyudad.
Nabatid kay Modequillo, na habang nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ ang kanyang mga tauhan ay namataan ng mga ito ang mga suspect na magkaangkas sa isang motorsiklo na kapwa walang suot na helmet.
Dahilan upang sitahin ang mga ito ng mga pulis, subalit pinaharurot ng mga suspect ang kanilang kung saan hinabol sila ng mga pulis hanggang sa sumemplang ang mga suspect.
Nakipagbarilan ang mga suspect sa mga pulis na tumutugis sa kanila, na nagresulta ng agarang kamatayan ng isa sa mga ito habang mabilis namang nakatakas ang isa sa mga ito. Nakarekober sa bangkay ng suspect ang 22 plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana at isang kalibre .38 revolver.
- Latest