Makati Fire: 65 pamilya naapektuhan
MANILA, Philippines - Nawalan ng tirahan ang nasa 65 pamilya matapos masunog ang 30 kabahayan, kahapon ng madaling araw sa Makati City.
Base sa ulat na natanggap ni Makati City Fire Marshal Supt. Roy Aguto, ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog alas-12:28 ng madaling araw sa bahay na pag-aari ng isang nagngangalang Imelda Manansala sa Angono St., Rizal Village, malapit sa Makati City Hall Compound, Brgy. Poblacion ng naturang siyudad.
Dahil ang mga bahay ay gawa lamang sa mga light materials kaya mabilis na kumalat ang apoy na tumupok sa may 30 kabahayan.
Ayon sa isang residente, nakarinig siya ng pagsabog bago nag-umpisa ang sunog sa tapat ng bahay ni Imelda, na napag-alamang pinamumugaran umano ng mga adik at nakita ang ilang kalalakihan na nagtakbuhan papalabas ng bahay matapos ang pagsabog.
Makalipas ang isang oras, ala-1:35 ng madaling araw idineklarang fire out ang sunog, na umabot sa ikatlong alarma.
Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa naganap na sunog.
Nasa 65 pamilya ang nawalan ng matitirhan at pansamantalang dinala ang mga ito sa covered court at barangay hall upang mabigyan ng tulong ng pamahalaang lungsod ng Makati.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad kung ano ang sanhi nito at kung magkanong halaga ng mga ari-arian ang napinsala.
- Latest