MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) matapos arestuhin ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) dahil sa panggugulo at panunutok ng baril sa isang taxi driver na mananaya sa peryahan, sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Isinailalim na rin kahapon sa inquest proceedings ang suspek na si PO3 Dexter Valencia, 43, nakatalaga sa Batasan Police Station (QCPD-Station 6) at residente ng no. 1260 Labanderos St., Sampaloc, sa reklamong paglabag sa Article 282 ng Revised Penal Code (Grave Threat), Art. 155 (Alarm and Scandal) at revised ordinance no, 7498 (Drunk Disorderly Conduct) .
Nabatid na pormal na naghain ng reklamo ang isang Jesus Simbahan, 42, taxi driver at residente ng no. 630 Batanes St., Sampaloc.
Sa ulat mula sa tanggapan ni P/Chief Insp. Arsenio Riparip, hepe ng MPD-General Assignment and Investigation Section (GAIS) , naganap umano ang insidente alas 2:00 ng madaling araw sa peryahan na nasa panulukan ng G. Tuazon at Blumentritt Extension, sa Sampaloc.
Habang tumataya umano sa color game ang biktima , kasama ang isang negosyanteng si Paul William Chua, ay bumulong umano ang suspek na pulis at itinuturo ang kulay o numerong dapat na tayaan.
Hindi umano pinansin ang pulis, subalit nagkataong nanalo ang sinasabing dapat tayaan kaya sinabihan ng suspek sina Simbahan na balatuhan siya.
Hindi umano pumayag ang dalawa sa hinihinging balato at doon na napikon ang suspek hanggang sa mauwi sa mainit na sagutan at pagbabanta hanggang sa tutukan siya ng baril kaya nakialam at umawat umano ang isang SPO1 Mario Simbahan, na nanonood din ng color game, na siya namang nakasagutan ng suspek at hinamon pa ng away.
Rumesponde naman ang mga tauhan ng Calabash Police Community precinct at dinisarmahan at dinakip si PO3 Valencia dahil sa amoy alak at hitsurang nakainom, dahil natakot din ang mga tao na nagsitakbuhan palayo nang makita na may baril ito.
Dahil dito, inilipat ang suspek sa MPD-GAIS na inimebstigahan ni SPO2 James Poso.