MANILA, Philippines - Iniulat ng pamunuan ng Metro Rail Transit na nagagamit na ng publiko, ang 27 bagong elevators na inilagay sa iba’t ibang istasyon ng MRT-3.
Ayon kay MRT-3 General Manager Deo Manalo, ang 27 elevators ay bahagi ng pagbabago na nais nilang ipatupad sa mass transport system na tiyak na mapapakinabangan ng publiko, lalo na ang mga matatanda at may kapansanan.
Sinabi ni Manalo, may lima pang elevator na kinukumpuni ng kanilang mga tauhan na maaari na ring magamit ng mga pasahero ng MRT-3 sa unang linggo ng buwan ng Enero 2017.
Aniya, pinilit nilang kaagad na mailagay ang mga elevator upang magamit at matulungan ang mga pasahero sa pagdadala ng mabibigat na bagahe nga-yong holiday season hanggang bagong taon.
Kumpiyansa si Manalo na makatutulong din ang mga elevators para mabawasan ang mahabang pila ng mga taong sumasakay sa tren.
Bibigyan aniya ng pra-yoridad sa paggamit ng elevators ang mga senior citizens, buntis, at mga taong may kapansanan.
Ang instalasyon ng mga bagong elevators ay bahagi ng pagsusumikap ng Department of Transportation (DOTr) na maging kumpor-table sa pagsakay sa MRT-3 ang mga commuters.