MANILA, Philippines – Tatlo katao kabilang ang isang babae na pawang hinihinalang sangkot sa iligal na droga ang mga pinatay ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa lungsod ng Caloocan at Navotas, kamakalawa hanggang kahapon ng madaling araw.
Base sa ulat ng Navotas City Police, dakong alas-2 kahapon ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang babae sa may Tanique St. Extension, Brgy. North Bay Boulevard South.
Sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nagtamo ang biktima ng maraming tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Nakasuot ito ng maong na shorts, walang manggas na stripe na t-shirt, maputi, katamtaman ang katawan, nasa 4’10” ang taas, at nasa pagitan ng edad 30-35 anyos. Dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ang narekober rin sa bangkay.
Sa ulat naman ng Caloocan City Police, dakong alas-6:30 kamakalawa ng gabi nang barilin at mapatay ng dalawang hindi nakilalang salarin sakay ng isang motorsiklo ang 36-anyos na si Joven Denisa, ng Phase 1 Package 1 Block 22 Lot 21 Brgy. 176 Bagong Silang.
Ayon sa live-in partner ng biktima, nakatayo lang sila sa gate ng kanilang bahay nang lumapit ang isa sa mga salarin at walang sabi-sabing pinaputukan ng baril si Denisa saka mabilis na tumakas lulan ng motorsiklo na minamaneho ng isa pang lalaki. Igiinit rin niya na hindi sangkot ang kanyang kinakasama sa kalakaran ng iligal na droga.
Dakong alas-3:20 kamakalawa ng madaling araw naman nang matagpuan ang bangkay ng isang nakilalang Christopher Diaz sa may Waling-Waling Street, Brgy. 175 Camarin, ng naturang lungsod. Isang sugat sa panga na posibleng tama ng bala ang nakita sa biktima habang dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ang nakita sa wallet niya.