2 Pasig cops tumakbo sa shootout, sinibak
MANILA, Philippines - Dalawang bagitong miyembro ng Pasig City Police na nakunan ng video na nagtakbuhan sa shooting incident sa anti-drug war sa lungsod kamakailan ang sinibak sa puwesto ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Kinilala ang mga sinibak na sina PO1 Herminio Manalastas at PO1 Jayson Riego.
Ayon kay PNP Spokesman P/Sr. Supt. Dionardo Carlos, alinsunod sa PNP Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) Special Orders number 9682 sina Manalastas at Riego ay itinalaga sa PNP Special Action Force (PNP-SAF).
Sinabi ni Carlos na ipinasasailalim muli ni dela Rosa ang dalawang sinibak na parak sa refresher course ng PNP SAF Commando Training na kabibilangan ng law enforcement at military operations course.
“Sa panahon ngayon ang ating mga pulis ay dapat maging sensitibo na sa mga nangyayari sa kanilang paligid at laging unahin ang pagresponde sa mga nangangailangan”, ani Carlos.
“ We have this sworn duty to serve and protect and we have to be more dedicated because it is our mandated task “, giit pa ng opisyal.
Nabatid na nadismaya si dela Rosa ng mapanood ang kumalat na video ng dalawang bagitong parak na nagtakbuhan sa shooting incident sa Pasig City kaugnay ng pinaigting na anti-drug at anti-crime campaign .
Binigyang diin ni Carlos na nais ni dela Rosa na ang pulis ay palaban, matapang at hindi duwag .
Sinasabing may lalaking namaril sa isang hinihinalang drug pusher pero sa halip na magresponde ang mga ito ay nagtakbuhan pa kung saan nakunan ang mga ito ng video ng isang netizens habang nakaunipormeng tumatakbo.
“Yung totoong pulis ay lumalaban at hindi tumatakbo sa labanan. Yan ang kultura na gusto nating mai-develop sa PNP pero hindi naman yung abusado. As what our Chief PNP always say, we want them to adapt a warrior culture”, ang sabi pa ng opisyal.
- Latest